Malayong Kahapon

Marami na ang nagbago simula nang marating ng mga paa ang kinatatayuan ngayon. Marami rin ang dumadalaw sa gunita at tila isang larawang bumabalik sa ala-ala.

May kakaibang kurot sa aking puso ang bawat nakaraang pilit binabalikan ng aking isip.Madalas hindi ko maintindihan ang batas ng mga pagbabago at batas ng kalikasan. Kasabay ng ating pagtanda ay ang paglisan ng kamusmusan. Kamusmusan na nagpapangiti sa ating mga mata, ang kamusmusan na nagtatago ng mapait na reyalidad, kamusmusan na nagiging proteksyon natin sa masakit na katotohanan.

Malayo na ang mga ala-ala ng aking kamusmusan. Sa maagang yugto ng aking buhay ay binagtas ko na ang masukal na landas ng reyalidad at doo’y nakita kong ang aking pagkabata ay hindi tulad ng mga batang nakakaulayaw ko. Hindi tulad ko’y wala silang tiyak na kakainin sa hapag. Hindi tulad ko’y wala silang malambot na higaan sa papag. Hindi tulad ko’y wala silang pagkakataong makapag-aral at saksihan ang kanilang sariling kamusmusan sa piling ng mga kalaro at kapwa batang mag-aaral. Hindi tulad ko’y hindi nararating ng buwis ng Gobyerno ang kanilang mga binabagtas na daan. Ni walang maliwanag na ilaw sa gitna ng karimlan ng gabi upang gumabay sa kanilang pagbabasa o paggawa ng mga takdang aralin.

Hindi tulad ko’y ang kanilang kamusmusan ay larawan ng reyalidad at katotohanang mapait ang kahirapan. Kahirapang ipinilit sa kanila ng lipunang pinapalakad ng iilang nakikinabang sa buhay at yaman.

Binalikan ko ang mga lumang lawaran ko kasama ang aking mga kababata at kaibigan noong high school. Nakangiti akong pinagmamasdan ang mga ito. Binalikan ko rin ang mga larawan ng aking pananatili sa piling ng mga masang magsasaka, mga kabataang manggagawang bukid at pamilyang maralita na pinagkakasya ang anumang hulog ng langit sa sikmura ng kanilang mga anak. Umiyak ang aking puso sa malayong pagkakaiba. Malayo ang distansya ng langit sa lupang kanilang kinalalagyan.

Ikinukubli ng pagiging payak ng kanilang pamumuhay ang mapait na katotohanang, sa mga dakong ito ng mundo’y PANGARAP lang ang ideya ng desenteng pamumuhay. Sa mga dakong ito ng ating Lipunan ay nakahanay ang mga PUNTOD ng PANGARAP na sa darating na bukas ay may pagbabagong magaganap. Barado ang kanilang  papanaw ng maayos na pamumuhay. Madalas kong marinig, ” ipinangak akong mahirap mamamatay akong mahirap.” Sapagkat iyon ang pilit na ipinatatanggap sa kanila ng Lipunan. Ang makontento sa kung ano ang KASANAYAN na idinulot hindi ng kapalaran o dakilang nilalang. Ito ay dulot ng mahabang panahong pananamantala ng iilang naghahari sa lipunang ito.
Malayo na ang Kahapon.

Ngunit may bukas pa ring kailangang marating at ang ngayon ay dapat tawirin. Sa puntong ito, muli kong binalikan ang mga pahina ng larawang naging tatak ng aking pagkatao. Sa dakong iyon ng mundo’y muli akong babalik. Ngunit hindi bilang isang musmos na nagbibilang ng karanasan at kaalaman. Ngunit bilang isang ganap na taong may mahabang lubid ng pagkalinga at paglilingkod sa batayang masa.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s