Isang Pagmumulat: Wikang Filipino ay wika ng Karunungan

Ilang buwan din ang pinalipas ko mula ng huling nakatapos ako ng isang akda. Madalas ay napupunta lamang sa DRAFTS ang bawat pahina sa tuwing tinatangka kong magsulat. Hindi ko alam kung nagkukulang na ng mga salita ang aking isipan o wala akong sapat na inspirasyon upang gawin muli ang ilang taong ko ring nakasanayan, ang magsulat.

Isang araw, habang binabaybay ko ang Internet, nakita ko muli ang mga bloggers na noo’y madalas kung sundan. Marami na ang pinagbago ng mga pahingang ito, marami nang naidagdag at muling binuhay na talakayan. Pero marami sa kanila ay bihasa pa rin na ginagamit ang wikang Englis. Maharil, dahil sa ang tinatarget na merkado ng mga manunulat na ito ay ang Pandaigdigang Mambabasa at Bloggers o di kaya’y nakakulong pa rin sila sa paniniwalang ang wikang English ay wikang nag-uugnay sa lahat ng tao sa bansa at sa mundo.
Hindi ko sila masisisi, ang mga mahuhusay na manunulat at blogger tulad ni @keshie ay nasanay sa paggamit ng wikang banyaga sa kanyang mga akda at mahusay niyang naipapahayag ang sarili sa paraang ito. Marami akong napupulot na aral at patunay na karanasan mula sa kanyang mga kwento. Marahil, dala rin ito ng kinalakihang kasanayan sa pamilya, paaralan at mga organisasyong kinapapalouban mula sa Unibersidad hanggang sa mga lugar ng trabaho at piniling linya ng propesyon.

Subalit hindi maiwasang masaktan ng aking damdamin tuwing dumarating ang reyalidad na marami sa ating mga Pilipino ay hindi bihasa sa paggamit sa sariling wika. Marami pa rin ang naniniwalang kapag mahusay ka sa pagsasalita at paggamit ng wikang English ay mas nakakaangat sa karamihan. Nangangahulugan ba ito na mas marurunong ang mga taong mas mahusay gumamit ng banyagang wika kumpara sa mga indibidwal na mas gagap ang sariling wika?

Sa puntong ito, lumabas ako ng silid upang makisalamuha sa iba’t- ibang grupo ng tao. Una kong pinuntahan ang Rockwell sa Makati. Dito, makikita ang Powerplant Mall, mga nagtataasang condominium at ang Ateneo Law School. Sa isang coffee shop pinili kong umupo at magmasid. Napapaligiran ako ng mga mag-aaral, mga kabataang nakatira malapit dito, ilang grupo ng mga banyagang sa palagay ko ay naninirahan sa Pilipinas at ang iba’y mga propesyunal na nagtratrabaho sa bisinidad ng Rockwell. Marami din sa mga nandito ay ang mga elitistang makikita mo lamang sa mga lugar tulad nito.

Sa aking paligid ay ang pamumutawi ng iba’t-ibang wika. Sa aking kanan kung saan nandoon ang grupo ng mga mag-aaral sa Ateneo ay masiglang nagkekentuhan. Halo ang wikang ginagamit, sa aking pagtantya nasa 60% ay ang wikang English. Sa aking likuran ay ang mga Elitistang Pilipino na nabibilang sa Uring Pambansang Burgesya hanggang uring Burgesya Komprador. Mga mamumuhunan o nabibilang sa mga malalaking kompanya sa Pilipinas. Sa kanilang talakayan, 90% ng ginagamit na salita ay ang wikang English at mga palasak na terminong Tagalog lang ang aking naririnig.

Ganito din sa mga sulatin na matatagpuan sa loob ng Powerplant Mall, ang mga flyers at signage ay nasa wikang banyaga. Maging ang mga crew o mga manggagawang pangserbisyo sa mga shops at boutiques ay sinasanay na makipag-ugnayan sa kanilang mga kliyente sa paraang English. Maging ang mga attendant sa parking area, ang mga gwardya at iba pang hanay ng mga manggagawang pangserbisyo.

Hindi puro o solido ang wikang Filipino, dahil sa maraming taon din tayong nasa ilalim ng mga dahuyang mananakop ay nagkaroon na ng ebolusyon ang wikang ito. Marami sa ginagamit natin ngayon ay mga hiram na wika lalo na ang mga katagang walang katumbas na kahulugan sa Wikang Filipino. Kahit ang akdang ito ay hindi 100% na nasa wikang Filipino.

Sunod kong pinuntahan ang Komunidad sa North Triangle sa Quezon City. Isang bahagi ng lungsod kung saan naipon ang mga maralitang pamilya. Madalas tinatawag na Squatter’s area. Sa bukana pa lamang ng lugar ay pamilyar na mga salita ang ginagamit ng mga tao dito. Tagalog, Iloko, Bikolano, Bisaya at iba pa. Halo-halo din kasi ang mga nakatira dito. Iilan lamang o wala ang gumagamit ng hihigit sa 60% ng wikang English. Sa talakayan sa tindahan, kwentuhan sa waiting shed sa tapat ng Phi Sci, at ang gwardya sa Opisina ng Ombudsman, maging ang mga Pulis na nakahimpil sa kanto ng Agham Road ay gumagamit ng 90% ng sariling wika at hindi hihigit sa 10% na wikang English.

Mas mahirap ang kalagayang pang ekonomiya sa lugar na tio kumpara sa Rockwell. Uring manggagawa hanggang Uring Peti- burgesya ang matatagpuan mo dito. Relatibong sa lugar na ito mo matatagpuan ang mga pwersa sa paggawa at sila ay gumagamit ng sariling wika sa kabuuan ng kanilang araw.

Tinimbang ko ang halatang pagkakaiba at muli ko munang isinantabi ang aking napagmasdan. Sunod kong tinungo ang mga lugar tulad ng Korte, Museo sa Maynila, mga Istasyon ng Midya, Pahayagan, Malalaking Simbahan, mga opisina ng gobyerno. Nakinig din ako ng talakayan sa Senado at Kamara.

Muli kong tinimbang ang halatang kaibahan at muli itong isinantabi. Nagtungo ako sa mga pampublikong Opisina ng Pamahalaan. Sinikap kong makakuha ng kopya ng mga papeles na ginagamit ng karaniwang Pilipino sa pagproseso ng iba’t-ibang dokumento at transaksyon sa Gobyerno. Sa BIR, DTI, Office of the Mayor, LTO, NBI, Baranggay Hall, DFA, OWWA, DILG, DENR, DAR, at marami pang iba. Pero iilan lang sa mga ito ang nagtataglay ng mga papeles na nakasalin sa wikang Filipino.

Tinimbang kong muli ang nakalap at halatang kaibahan. Iisa ang aking napagtanto. Marami sa ating mga pampublikong tanggapan at mga dokumento ang gumagamit parin ng Wikang English.
Sa puntong ito, isinantabi ko na ang lahat at muling nagtanong. ” Papaano kaya magiging isa ang layunin at adhika ng sambayanang Pilipino kung pinaghihiwalay tayo ng magkaibang wika? Papaano mauunawaan ni Juan ang takbo ng pamahalaan kung ang wikang naririnig niya sa bibig ng mga nanunungkulan ay ang wikang hindi niya nauunawaan? Sino ang walang alam? Sino ang walang karunungan? Ang hindi mahusay sa Wikang English o ang hindi bihasa sa sariling Wika?

Sana maalala natin ang binigkas ng ating Pambansang Bayani, na ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa malansang isda. Tunay nga na ang kaalaman sa wika ay karunungan at kapangyarihan. Hindi ko sinasabing masamang ang maging dalubhasa sa mga banyagang wika ngunit hindi ito dahilan upang maging dahuyan ka sa sarili mong bayan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Advertisements

11 thoughts on “Isang Pagmumulat: Wikang Filipino ay wika ng Karunungan”

  1. Maraming salamat dito ginoong @marksaludes, ipagpatuloy mo nawa ang paglikha ng mga sanaysay na nakapagpapamulat sa kaisipan ng mga kabataang Pilipino na tulad ko.
    Pagpalain ka nawa ng Panginoon 🙂

    1. Ako man ay naniniwalang mahalagang hindi nating kalimutan ang ating pinagmulan dahil dito nagsimula ang isang kasaysayasan na sinimulan ng ating mga bayani.
      sana ay matutunan ang kahalagahan ng ating wika dahil ito ay susi ng pagkakaisa at dugong masasabing tunay na atin, mga pilipino .. para sa akin naiiba sa iba pa mang bansa sa buong daigdig.

  2. Napakaganda at malikhain mo ng inyong mga akda Ginoong @marksaludes, ako po ay isang mag-aaral at lubos po akong humahanga hindi lamang sainyong mga akda pati na rin saiyo mismo! maraming salamat po!|)

  3. nakakatawang isipin ang wikang tagalog ang nagiging sukatan rito sa mindanao ng pagiging elitista sa partikular sa MSU-Marawi campus. Ang mga kabataan ay nakakalimut sa katutubong wika, na siya namang isinusulong ng ilang mga nag aadvocate ng kanilang sailing wika.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s